Angel Locsin answers all issues thrown against her

(SOURCE: philippine entertainment portal)

Sa unang pagkakataon ay humarap sa publiko ang kontrobersiyal na young actress na si Angel Locsin upang sagutin ang lahat ng mga kontrobersiyang ibinabato sa kanya bunsod ng desisyon niyang lisanin ang dati niyang home network na GMA-7. Ipinalabas ang eksklusibong panayam ni Boy Abunda kay Angel sa The Buzz kahapon, August 12.

Isa-isang sinagot ni Angel ang lahat ng isyung iniwan niya nang pumunta siya sa London para kumuha ng crash course on fashion design hanggang sa kanyang pagpirma ng kontrata sa ABS-CBN noong Sabado, August 11.

LIFE IN LONDON. Pumasa si Angel sa kursong kinuha niya sa London. Pero inamin niya na mahirap ang buhay doon dahil mahal ang lahat ng bilihin.

“Nagtu-tube [subway or train] po ako. Lakad. Nagba-bus po ako,” panimula ni Angel.

May mga nagpahiwatig daw na mga lalake kay Angel sa London, pero hanggang yaya-yaya lang daw ang mga ito.

Ikinuwento rin ni Angel ang nakakagulat na karanasan niya sa London nang hawakan siya ng isang lalake sa kanyang puwet.

“Ikuwento ko talaga?” tila nahihiya pa niyang sabi. “Basta ano ‘yon, e, dumadaan ako, ganyan. May humawak. Ako siyempre, di ko siyempre palalagpasin ‘yon, di ba?

“E, parang medyo late na ‘yon. Medyo nakainom na siguro ‘yun [lalake], e. Tapos ngumiti sa akin. Hindi ko alam kung sasampalin ko ba, kung ano, kasi Pinay tayo, instinct talaga natin…

“As in, pisil [sa puwet]!” sabay tawa ni Angel. “Pisil talaga! Tapos sinabi ko na parang ‘Don’t do that, I’ll hit your stupid nose!’ Tapos sabi nung friend niya, sorry, nakainom na. So, pinabayaan ko na. Tapos nung dumaan ako, may kumurot na naman sa akin.

“Dun ulit sa [puwet], so akala ko siya. So, pagtingin ko na ganun, nakita ko na ‘yung kaibigan naman niya. E, ang laki, siguro mga 6’2” yata ‘yon. Tumingin muna ako sa kanya. Pinag-iisipan ko kung anong gagawin ko kasi baka mahuli ako ng pulis kung i-Muay Thai ko man o ano, di ba?

“Pagtingin ko sa kanya ng ganun, ngumisi. E, uminit na ‘yung ulo ko. Tapos sa sobrang laki niya, imbes na siya ‘yung bumaba, ako ‘yung umakyat na ganun. Pero simula noon, hindi na nila ako binother. Nirerespeto na nila ako,” kuwento ni Angel.

Hindi raw masyadong nakaikot sa London si Angel dahil sa sobrang tight ng kanyang schedule. Pero napuntahan naman daw niya ang Buckingham Palace at Oxford Circus. Nakapanood din daw siya ng musical play na Les Miserables kasama ang mga Pinoy na nakilala niya. Pagkatapos daw ay kumain sila sa isang Chinese restaurant kung saan maraming Pinoy at nagsabi na siya pala si Angel Locsin.

“Kasi hindi naman talaga ako kilala dun [sa London], e,” sabi ni Angel. “Pati nga ‘yung kaklase ko na Pinay, hindi niya ako kilala. Nalaman lang niya ‘yon nung napanood niya sa The Buzz na ako ‘yon. Tapos sinabi niya sa akin, ‘Angel, bakit ‘yung mukha mo nasa The Buzz?’ Tapos tinanong niya ako, ‘Artista ka ba?’ So, sinabi ko na. Pero hindi ko talaga inaamin,” kuwento pa ni Angel.

Gusto raw kasing i-maintain ni Angel ang kanyang privacy sa ibang bansa.

“Oo, saka masaya po ‘yung ganun, e. Hindi ko naman kailangan… ibig sabihin, hindi naman big deal, e,” aniya.

Gusto pa raw sanang mag-extend ni Angel ng kanyang pananatili sa London, pero kailangan na raw talaga niyang bumalik ng Pilipinas.

ANGEL’S MOTHER. Pagkatapos nito ay sinagot ni Angel ang isyu tungkol sa kanyang ina na diumano ay isang katulong.

“Nasagot na po ng Dad [Angel Colmenares] ko ‘yung question na ‘to, pero sige linawin na lahat,” panimula niya. “Hindi po kasambahay ang Nanay ko. Ang totoo po niyan, ang Nanay ko at ang Tatay ko, magkahiwalay po. At ang Nanay ko, wala po siyang trabaho ngayon. Hindi niya kailangang magtrabaho kasi kaya ko naman siyang buhayin, e.

“Kung sakali man sige, oo, halimbawa, katulong man ang Nanay ko, hindi ko naman ikakahiya ‘yon, e. Wala naman akong nakikitang masama dun, e. Huwag sana idamay ang pamilya ko.

“Alam kong paulit-ulit ko na itong sinasabi, paulit-ulit na natin itong naririnig. Pero hindi po showbiz ang pamilya ko. Kaya nga ho itinatago ko sila. Ayoko na sana sila ma-interview, e. Kasi alam kong kagaya ngayon, ‘yung mga nangyayari, nadadamay sila. Ayokong mangyari ‘yon kasi mahal na mahal ko ‘yung pamilya ko,” kasunod nito ang pag-iyak ni Angel.

“Ako na lang po. Ako po ‘yung pumasok sa ganitong klaseng gulo, trabaho. Ako na lang po ‘yung tirahin ninyo. Kaya ko naman po tanggapin ‘yon, e. Huwag lang ‘yung pamilya ko. Kasi labas na sila dito.”

Nang hingan ni Boy si Angel ng mensahe para sa kanyang ina ay humingi ng paumanhin ang young actress dito.

FLOP MOVIE. Nilinaw rin ni Angel ang tsismis na nasa Los Angeles lang daw siya nagtatago at wala sa London. Ito ay sinuportahan ng video footage ni Angel na kinunan sa London ng ABS-CBN Europe correspondent na si Gene Alcantara.

“Hindi ko naman kayang i-set-up ‘yung buong tube at saka ‘yung buong school namin. Pero totoo na nanggaling muna ako sa Los Angeles kasi pinalabas dun ‘yung pelikula namin, ‘yung Angels. Tapos ‘yung ticket ko, L.A. papuntang London. Tapos London pabalik ng L.A.,” paliwanag ni Angel.

Inamin din ni Angel na flop ang iprinodyus niyang pelikula sa US.

“Hindi ko naman po ikinakahiya ‘yon o ano,” sabi niya. “Kasi first movie. Nag-aaral pa lang naman ako. Pero nung ginawa namin ‘yung pelikulang ‘yon, marami po akong natutunan. Kung sakaling makaipon ako uli, magpo-produce ako ulit. Wala naman sigurong masama dun at masaya ako na nakapagbigay ako ng trabaho sa mga kapwa Pilipino ko. Nakagawa ako ng pelikula na maipagmamalaki ko.”

BUSINESS VENTURE. Nilinaw rin ni Angel ang isyu na pinag-aral siya sa London ng isang mayamang negosyante na diumano’y anak ng business tycoon na si Lucio Tan.

“Naku po! Wala po akong kilalang anak, kahit na sinong anak ni Lucio Tan. Sorry po, nadadamay kayo sa mga intrigang ito. Pero totoo po na pinag-aral ako ng mga partners ko [sa business]. Nahihiya po ako sa kanila kasi hindi naman po sila showbiz na tao. Mga entrepreneurs po sila, mga kagalang-galang na tao. At nahihiya ako na nadadamay sila dito.”

Itinanggi rin ni Angel na isa sa mga business partners niya ay boyfriend niya ngayon.

“Hindi ko po siya boyfriend at sigurado po ako na hindi niya ako type!” tawa ni Angel. “Pinag-aral lang niya po talaga ako dahil may sisimulan kaming sportswear na pambabae. Actually, ang launching po nito, mid-November na po. Magbubukas po kami sa anim na SM Malls. Sa department stores lang po kami. Magsisimula kami sa maliit, pero malaki po ang plano namin.”

Gaya ng nasulat dito sa PEP (Philippine Entertainment Portal), sina Joel Santos, Jed Santos, at Camille Aldeguer ang mga kasosyo niya sa business na kanyang papasukin.

Ani Angel, “Na-meet ko sa eroplano ang sinasabing ‘papa’ ko, siya si Mr. Joel Santos. Entrepreneur po siya. Co-founder siya ng Entrepreneur School of Asia.

“Actually, hindi niya ako kilala [na artista],” patuloy niya. “Nagtataka siya kung bakit may nagpapa-picture sa akin. Kasi katabi ko siya sa eroplano. Siguro medyo nainis, madaming daan nang daan, hindi siya siguro makapagpahinga. Kinausap niya ako. ‘I’m sorry, bakit may nagpapa-picture sa ‘yo? Sino ka ba?’

“Nag-usap kami. Hindi ko rin alam na businessman siya. Basta nasabi ko ‘yung gusto ko, na very active ako na sana makagawa ako ng business. So dun na nagsimula. Tini-train niya ako bilang actress-entrepeneur.

“Actually, napag-usapan namin ‘yung mga partner ko. Pag nag-aral ako sa London, ang school ko kasi dun, London College of Fashion. Hindi po sa nagyayabang, pero para masagot ‘yung tanong na bakit ako nag-aral sa London, ‘yung London College of Fashion, ‘yon kasi ‘yung number one school sa fashion sa Europe,” pahayag ni Angel.

ABORTION & SEX VIDEO. Napayuko si Angel nang ang pag-usapan na ang isyu ng pagpapa-abort niya diumano sa anak nila sana ng yumaong boyfriend niya na si Miko Sotto.

“May takot po ako sa Diyos,” sabi ni Angel. “Hindi ko alam kung bakit lumalabas ‘yung mga balitang ito. Hindi na nga ako natutulog, e, magpapa-abort pa ako? Araw-araw ako nakasabit, paano nangyari ‘yon? Hindi po talaga.”

Kasunod nito ang intrigang may sex video diumano ni Angel.

“Hindi ko po napanood. Pero sa dami, pwede na akong gumawa ng series. Ang dami nang lumalabas, e!” biro niya.

Pero bigla siyang naging seryoso ulit. “Nakaka-offend ‘yon. Kabastusan ‘yon, e. Hindi ako ganun. Hindi ako ganung klaseng babae.”

Ayon pa kay Angel, nainis daw ang mga kapamilya niya sa tsismis na may sex video siya.

“Kilala naman nila ako, hindi ako ganun. Hindi ako gagawa ng ganung klaseng bagay kahit na mahirap ako. Bayaran mo akong gumawa niyan, hindi, hindi ako ganun,” mariin niyang sabi sabay ang pagtulo ng kanyang luha.

BACK TO SCHOOL. Bakit bigla siyang nagdesisyon na umalis ng bansa at mag-aral sa London?

“May nagtanong din sa akin niyan. ‘Gel, bakit ka aalis? Bakit ka mag-aaral? E, dito ka may trabaho. Nandito ‘yung career mo. Bakit mo gagawin ‘to?’

“Marami pa kasi akong gustong gawin, e. Gusto kong ma-improve ‘yung sarili ko, gusto kong magkaroon ng business. Kasi tumitingin ako ng panghabambuhay, e. Ito pong trabaho kong ito, hindi naman po ito forever, e. So, kailangan ko ng fallback.

“Habang nasa London po ako, mag-isa, nag-aaral, masaya po ako. Masaya po ako na marami akong natutunan. May mga bago akong nalalaman. Masaya akong naging independent ako. Masaya ako na kaya kong ipakita sa tao na kahit busy ako, ‘eto, maganda ‘yung kapalit. Pero ang ipinagpalit ko, hindi naman ako kikita. Gagastos pa ako. Pero nakapag-aral ako. Nadagdagan ang kaalaman ko kahit na short course lang ‘yon,” mahabang paliwanag ng young actress.

OYO & ALI SOTTO. Sa paglipat ni Angel sa ABS-CBN, malaki ang posibilidad na magkasama sila sa mga projects ng ex-boyfriend niyang si Oyo Sotto, na isa na ring Kapamilya.

“Si Oyo, kaibigan ko po, sobrang kaibigan ko. Actually, ayokong magsalita ng tapos, e. Mahal ko si Oyo, pero ‘yung pagmamahal ko po sa kanya, hindi na ‘yung in love. Sa ibang paraaan, kaibigan talaga,” ani Angel.

Nagbigay rin si Angel ng reaksiyon sa mga sinabi ni Ali Sotto tungkol sa kanya sa interview nito sa Startalk ng GMA-7 noong Sabado, August 11. Si Ali ang ina ng yumaong boyfriend ni Angel na si Miko.

“Mahal ko si Tita Ali,” sabi ni Angel. “Ayaw ko po siyang madamay sa gulo. Kung may nagawa akong masama o mali, hihingi po ako ng tawad sa kanya. Pupuntahan ko po siya.

“Pero doon sa…. doon sa sinasabing sumikat ako after mamatay si Miko, totoo po ‘yon. Pero sana hindi na lang kung ito ‘yung magiging kapalit. Sana hindi na lang talaga,” naiiyak na sabi ni Angel.

LEAVING GMA-7. Finally, sinagot ni Angel ang dahilan kung bakit nagdesisyon siyang umalis sa Kapuso Network.

“Hindi na po ako masaya,” malungkot na sabi ni Angel. “Hindi na po ako masaya. Importante po sa akin ‘yung tiwala. Napakaimportante sa akin nun… at nawala ‘yon, e. Nung bago ako umalis [papuntang U.S.] habang wala ako, ngayong dumating na ako, nawala ‘yon [tiwala].

“Lahat naman tayo gusto ng growth, di ba? ‘Yung growth ko, nandito [sa ABS-CBN]. Karapatan ko naman siguro na mamili kung ano ‘yung gusto ko, kung ano ‘yung makakabuti sa akin. Basta wala akong nilalabag na batas. Nagtatrabaho lang po ako.

“Ang hirap, e. Kasi ‘yung mga naging kasama ko doon [sa GMA-7], ‘yung limang taon na ‘yon, halos lahat naging ka-close ko na. Mahal ko ‘yung mga katrabaho ko sa Asian Treasures. Mami-miss ko talaga sila.

“Pero nag-iisip ako na mabuti. Tinanong ko Tatay ko. Tinanong ko Ate ko, pamilya ko, mga kaibigan ko. May mga nagsabi na ‘yes,’ may nagsabi na ‘no.’ Pero kung tatanungin ninyo ba ako kung itong ginawa ko sigurado ba ako? Na, oo, sisikat ako dito sa ABS-CBN? Mas makikilala ako dito? Mas yayaman ako? Mas magkakaroon ako ng maraming shows? Mas mamahalin ba ako ng tao? Ang sagot ko, hindi ko po alam. Sumusugal po ako. Nagsisimula po ako sa wala. Pero desisyon ko po ito, e, kaya paninindigan ko po,” pag-amin ni Angel.

Nagsalita rin si Angel tungkol sa paratang na wala siyang utang na loob at traydor siya.

Aniya, “Doon po sa pinasikat ako ng GMA-7, opo, totoo po ‘yon. Alam ko po ‘yon at nagpapasalamat po ako sa kanila. Pero ‘yung isyu ng walang utang na loob, traydor, hindi po totoo ‘yun. At alam nila ‘yun.

“Hindi ako traydor,” giit niya. “Kialala nila ako. Nagtataka lang po ako kung bakit lumalabas ang ganitong bagay kasi kilala naman po nila ako.”

Sa isyu na kumita raw ng over P60 million si Angel sa GMA-7, walang reklamo rito ang young actress.

“Wala akong reklamo, pero mali lang po kasi ang figures, e,” sabi niya. “Kung anuman po ang kinita ko, sa akin na lang po ‘yon kasi ‘yon po ang professional way, e. Kung magkano man ‘yung inabot ng pinagtrabahuan ko, pinaghirapan ko po ‘yon. Pinagpuyatan ko, pinagtrabahuan ko.”

Itinanggi rin ni Angel na ang GMA-7 diumano ang huling nakaalam sa kanyang paglipat sa ABS-CBN.

“Magalang po kaming nagpaalam sa kanila. Actually, nasagot na po ng Dad ko at ng manager ko, pero kinausap nila sila. And actually, nagkaroon din kami ng meeting. Nagpadala kami ng letter sa kanila,” paliwanag ni Angel.

Nang tanungin kung may nangyari ba sa naturang meeting, ngumiti lang si Angel.

MESSAGE TO KAPUSO EXECUTIVES. Nagbigay rin ng mensahe si Angel sa mga executives ng GMA-7.

Ms. Wilma Galvante: “Tita, sana mawala na po ‘yung galit ninyo sa akin.

Ms. Annette and Atty. Felipe Gozon: “Kay Miss Annette and Mr. Gozon, hindi kami masyadong nagkasama nang matagal at nagkakilala nang mabuti. Pero dun sa maikling panahon na ‘yon na nagkasama kami ni Ms. Annette habang ginagawa namin ‘yung mga pelikula namin, napakabait na tao and salamat po sa mga tulong na ibinigay ninyo po sa akin.

Ms. Redgie Magno-Acuña: “Tita, mahal na mahal ko po kayo. Sorry po. Mag-uusap pa po kami sa tamang panahon.”

Yda Henares: “Kay Tita Yda, alam kong may tampo kayo sa akin, pero sana po huwag ninyong sabihin sa mga tao na naniniwala kayo na ako ‘yung babae sa sex video. Kasi kilala n’yo naman po ako. At huwag ninyo po akong husgahan. Hindi po ako ganung klase ng babae. May takot po ako sa Diyos.

“At sa mga nagsusulat o naniniwala na ako ‘yung babae dun, alam kong hindi lahat ng tao nagkakagusto sa akin o magkakagusto sa akin. Huwag n’yo ho akong babuyin. Hindi po ako ganyang klase ng babae. Pag ganung isyu na po, lalaban ako. Pagkatao ko na po ito,” mariin niyang pahayag.

MOVING TO ABS-CBN. How does she see herself five years from now?

“Pangit naman sabihin, pero ako ‘yung taong hindi nagpaplano talaga. Magpaplano ako para bukas, para mamaya. Para sa akin, basta may ipon lang ako, may bahay ako, bahala na,” sabi niya.

Prinsesa na si Angel sa GMA-7 nung umalis siya. Sa paglipat niya sa ABS-CBN, marami na ang sinasabing reyna at prinsesa sa Kapamilya Network ang maaari niyang masagasaan. Ano ang masasabi niya rito?

“Prinsesa?” tanong niya. “Naku, kung anuman po ‘yung narating ko ngayon, namuhunan ako, e. Nagtrabaho ako. Nagpuyat ako. Pinagbutihan ko po talaga.

“Nagsimula po ako bilang isang alila. At ako, hindi ko sinasabing prinsesa ako, ha, pero kung isa nga akong prinsesa, bakit naman ako matatakot makasalubong ang mga reyna ng ABS-CBN?” pagbibiro ni Angel.

Masaya raw si Angel sa desisyon niyang lumipat sa ABS-CBN at ang huling pahayag niya ay: “I’m moving on.”

Published in: on August 13, 2007 at 6:42 pm  Comments (5)  

The URI to TrackBack this entry is: https://dramaville.wordpress.com/2007/08/13/angel-locsin-answers-all-issues-thrown-against-her/trackback/

RSS feed for comments on this post.

5 CommentsLeave a comment

  1. regarding sa pagiging katulong ng nanay ni angel, ang issue kasi, eh hindi lang kung katulong ang nanay niya ngayon, kundi kung katulong ba ang nanay niya ng tatay niya nung nagkakilala sila at nabuntis diumano ng tatay ni angel. eh hindi naman nasagot iyon. nabanggit ni becky aguila nun na walang masama sa pagiging katulong ng isang tao, kung ganun nga, eh bakit hindi niya sinagot ng derechahan dati pa. para dati pa lang eh natapos na. kung sinabi niyang hindi eh di hindi na naungkat pa ang tungkol sa isyu na katulong dati ng tatay ni angel ang nanay niya.

  2. at saka hindi ata nafollow-up ni boy kung bakit hindi na masaya si angel with gma? hindi siya masaya saan, ano, kanino, etc?

  3. Hello!. yan Ha! nasagot na ni angel ang lahat ng issues so tamana yang paguusisa. Hi! to dramaville I’m fashionate, nabasa ko yung comment mo about angel issues tungkol dun sa nanay ni angel na maid o hindi or nabuntis, syempre di alam ni becky yon pati ang alaga niya ay si angel di yung nanay niya, pati porket maneger ka na ni angel pwede mo ng ungkatin yon, syempre may respect sya sa tao pati private life na nila yon e, so halimbawa nga na maid nanay nya at nabuntis lang ng ama so what’s the piont! wala na tayong paki don pati fast is fast. wala na tayong paki don.and wag naman ungkatin yon kasi private life na nila yon pati porket artista sya e pwede mo ng ungkatin ang life nya diba, gave her a privacy nagtratrabaho lang sya. AT pati don sa sinabi na nya na di na sya masaya to GMA kac nga nawala ang trust nila kay angel so nakakasad yon diba, ikaw mawala trust ng malalapit sayo diba nakakasad yon diba, pati sa nababasa ko ang isa pang dahilan ay nung di nya tinanggap yung offer ng GMA na Marimar dun lang diba may naglabasan na negatives writes up tungkol sa kanya and di siya pinagtanggol ng GMA kaagad, GOOD LUCK TO ANGEL MORE PROJECT , MORE BLESSINGS TO COME AND MORE POWER TO YOU, I HOPE ALL YOUR PROJECT WILL BE SUCCESS IN FUTURE. eventhough I cannot watch your show. and nakakasad kac di na kayo pwedeng magpartner ni richard gutierrez the best pamandin ang loveteam ninyo, well good luck to both of you

  4. Salamat sa patuloy na pagsuporta ninyo kay gel.

  5. please stop the intrigues about Ms. Angel Locsin,,, i believe that she’s such a wonderful person,,,,
    tsaka wag u naman siya ijugde dahil parang unfair naman sakanya iyon,,, and sa totoo lang talaga namang binigay niya ung best niya sa lahat ng soap na ginawa niya sa GMA 7,,, kaya itigil niyo na ang paninira sa kanya,,,,

    watever ur decision i’m olweys be here to support u and inspite of not knowing and meeting u in person naniniwala ako na ur really a great and good person,,,

    gud lack and dont think too much about the pressures,,, God will olweys be by ur side ok,,, GOD BLESS to you and ur whole family…

    Take Care 🙂


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: